hardcore drama session. part 3

Thursday, March 02, 2006


daglian niyang nilisan ang masayang pagtitipon sa pag-aakalang maitatago nya sa kadiliman ang maalat na tubig na nagbabadyang umagos. nang makapagpaalam, dahan-dahan nyang nilakad ang daang may bahagyang makukulay na liwanag, hanggang sa walang nakapuna, tanging sya at sya lamang ang pilit na umaalo ng damdaming hindi na maaaring ipagpaliban pa.

ilang jeep na ang dumaan. ilang bagay na rin ang tila jeep na nagpamulat sa kanya na nagkamali sya. nanlalabong mga mata, pinilit paring itinanim sa alaalang marahil ay kasalanan nya ang sariling paghihinagpis, ang nadaramang kalungkutan na kahit kailan hindi nya pinangarap. nalaman nyang hindi kayang ibalik pa ang nagawa ng isang pagkakataong naging hinanakit, na nagdudulot ngayon ng hindi pagkakaunawaan.


nagtatanong, nangungusap... kung bakit mabilis na tumulo ang luhang pilit pinipigilan. inalala ang mga masakit na salitang binitawan. masamang mukhang laging nabigyan ng maling akala. pagod na syang unawain ang sarili. ni hindi nya alam ang nagawa. ni walang sinuman ang nagbigay alam... pakiramdam nya syay lalong nag-isa. wlang silbi. walang kwenta. pagod na syang bigyang halaga ang sasabihin ng iba. ni hindi sya tinanong sa sariling nadarama. at muli lalong naramdaman ang pag-iisa... sinu pa ba ang makakaunawa kung hindi ang hanging dumampi sa ibabaw ng kanyang panlamig. naglalakad. umuusad. tila yumayakap. tila taong nananahan sa taong lumuluha.

akala nyay tama na sya para maging isang kaibigan. na wala syang binahala, na wala syang nasaktan. sa pag-usad nya lalong nakilala sa kalangitan ang tunay na karamay. sa kabila ng paglimot, sa kabila ng laging pagsusumamo. naroroon sya, muli syang pinatahan.

sanay syang maligaya. hinasa upang magbigay tuwa, payo at higit sa lahat, magmahal, ng kaibigan. bakit ganun... kahit naman ang mga tulad nyay may katanungan sa isipan... bakit tila hindi sya maunawaan... bakit sa kabila noon ay ninais nyang mabuhay ng mapayapa, kahit pa ipinararamdam sa kanyang hindi sya kaisa. hanggang ngayo'y bulag sya sa paniniwalang nasa mabuti ang lahat. na akala nyay totoo ang mga nakikita nya. hindi nya masisi ang mga taong iyon. hindi ba nila naisip yun... na may isang nais intindihin ang mga bagay na buong puso nyang tatanggapin. sa nakabibinging katahimikan syay lumisan. ginusto na lamang na magkubli sa ilalim ng hindi mo alam.

sila ba'y maniniwala? na ang payaso'y may panahon ding lumuha?
ni hindi sya tinanong sa sariling nadarama. at muli, sa kabila ng pinturang mukha, sa kabila ng ngiting hindi umabot sa mata, sa apat na sulok ng kwartong iyon, muli... lalo nyang naramdaman ang salitang pag-iisa...


walang may alam dito sa maling typo. walang may alam kundi ikaw lang at ako.

You Might Also Like

0 comments

Popular Posts

Featured Post

Kitchen Appliance and Gadget Haul (and mid-year Favorites!)

I think it would be such a delight to share with you  (or if there's any keen readers, following this blog)  what we got recently in ou...